Andres Bonifacio
Mula sa Tagalog Wikipedia, ang malayang ensiklopedya.
Si Andrés Bonifacio (Nobyembre 30, 1863 - Mayo 10, 1897) ang pinuno ng rebolusyon ng Pilipinas laban sa pananakop ng Espanya, ang unang rebolusyon sa Asya laban sa pananakop ng mga Europeo.
Noong 1892, matapos dakpin at ipatapon si Dr. Jose Rizal sa Dapitan ay itinatag ni Bonifacio ang Katipunan, isang lihim na kapisanang mapaghimagsik, na di naglaon ay naging sentro ng Hukbong Pilipinong Mapaghimagsik. Sa pagkatatag ng Katipunan, kinilala siya bilang Ama ng Rebolusyon sa Pilipinas.
Sa Katipunan, "Supremo" ang kanyang titulo at di naglaon nang itinatag niya ang Pamahalang Mapaghimagsik ay tinawag siyang "Pangulong Hari ng Katagalugan".
Habang sa gitna ng rebolusyon, isang halalan ang ginanap sa Tejeros, Cavite, sa kahilingan ng mga Katipunerong Magdalo na ang humalok ay taga-Cavite lamang. Nanalo sa pagka-pangulo si Aguinaldo, Lider ng Katipunang Magdalo at ang Supremo ay naihalal sa mababang posisyong Tagapangasiwa ng Panloob (Director of Interior).
Nang sinubukan ng mga miyembro ng lupon ng mga Magdalo na kuwistiyunin ang kakayahan ni Andrés Bonifacio, idineklara ni Bonifacio na walang bisa ang naganap na eleksyon dahilan sa pandaraya sa botohan ng mga Magdalo. Dahil dito, kinasuhan si Bonifacio ng sedisyon at pagtataksil. Ipinahuli at ipinapatay ni Aguinaldo sa kanyang mga tauhan. Binaril si Bonifacio kasama ang kanyang kapatid na lalaki noong Mayo 10, 1897 malapit sa Bundok Nagpatong. Hanggang ngayon, hindi pa rin natatagpuan ang labi niya.
.