Mindanao
Mula sa Tagalog Wikipedia, ang malayang ensiklopedya.
Ang Mindanao ay ang ikalawang pinakamalaking pulo sa Pilipinas at isa sa tatlong grupo ng mga isla sa bansa, kasama ang Luzon at Visayas. Ito ay tirahan para sa karamihan ng mga Moro o Muslim sa bansa, kinabibilangan ng maraming grupong etniko tulad ng mga Maranao at Tausug. Isang mapait na pakikibaka para sa kalayaan ang pinag daranasan ng limang siglo ng ilang mga paksyong muslim laban sa mga nagpasa-pasang mananakop. Ang mga Kastila, Amerikano, Hapones at pati ang mga pwersa ng pamahalaang Pilipino ay hindi nagtagumpay sa pagsugpo sa kagustuhan nilang humiwalay sa nangingibabaw na Kristyanong bansa. Ang mayoriya ng populasyon ng Mindanao ngayon ay Kristyano sanhi na rin ng ilang dekada ng pagaagaw-lupa at malawakang pagpasok ng mga migrante sa rehiyon. Ito ang kinagagalit ng mga mahihirap at nawalang-tahanang mga Muslim Mindanaon at dinadahilang isyu ng mga kilusang separatista na ilang daang taon nang nakikipagdigmaan.
Sa mga nakalipas na taon, ang seguridad sa rehiyon ay lalong pinaigting dulot ng paglaganap ng mga teroristang organisasyong may kaugnayan sa gulong nangyayari sa Gitnang Silangan. Sinasabing ang Mindanao ay may mga kampong pinagsasanayan ng mga grupong terorista tulad ng Abu Sayyaf at Jemaah Islamiyah na humahamon at nag-uudyok sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) na isang mas moderate at nasyonalistang grupo.
Bilang isang pulo sa timogang bahagi ng bansa, ang Mindanao ang ikalawang pinakamalak sa sukat na 94,630 kilometro kwadrado, mas maliit sa Luzon ng mga 10,000 km² lamang. Ang isla ay mabundok, at dito matatagpuan ang Bundok Apo, ang pinakamataas na bundok sa bansa. Ang Dagat Sulu ay nasa kanluran ng isla ng Mindanao, sa silangan ay ang Dagat ng Pilipinas, at sa timog naman ay ang Dagat Celebes.
Ang grupo ng isla ng Mindanao ay binubuo ng mismong isla ng Mindanao, kasama ang Kapuluang Sulu sa timog-kanluran. Ang grupong ito ay nahahati sa anim na rehiyon, na nahahati naman sa 25 mga probinsya.
[baguhin] Isla ng Mindanao
Silipin din Heograpiya ng Pilipinas.
[baguhin] Grupo ng Isla ng Mindanao
Ang grupong ito ng Mindanao ay isang arbitraryong lupon ng mga pulo sa timogang bahagi ng Pilipinas na kinabibilangan ng anim na rehiyong administratibo. Ang mga rehiyong ito ay nahahati sa 25 mga lalawigan, kung saan apat lamang sa mga ito ay wala sa mismong isla ng Mindanao. Kasama sa grupo ang Kapuluang Sulu sa timog-kanluran, kinabibilangan ng mga pangunahing isla ng Basilan, Jolo, at Tawi-Tawi, pati ng mga nakaratag na mga isla sa kalapit nito tulad ng Camiguin, Dinagat, Siargao, Samal, at Mga Isla ng Sarangani.
Ang anim na rehiyon ay ang mga sumusunod:
- Peninsula ng Zamboanga (Rehiyon IX)
- Hilagang Mindanao (Rehiyon X)
- Davao (Rehiyon XI)
- SOCCSKSARGEN (Rehiyon XII)
- Caraga (Rehiyon XIII)
- Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM)
Peninsula ng Zamboanga (Rehiyon IX), dating Kanlurang Mindanao, ay matatagpuan sa tangway ng mismong pangalan. Ito ay binubuo ng mga probinsya ng Zamboanga del Norte, Zamboanga del Sur, Zamboanga Sibugay, at ng dalawang lungsod—Syudad ng Zamboanga at Syudad ng Isabela—na hindi sakop ng alinmang lalawigan. Ang Syudad Isabela ang tanging teritoryong wala sa mismong isla ng Mindanao, ito ay nasa Basilan. Ang administratibong kabisera ng rehiyon ay ang Syudad Zamboanga. Ang buong rehiyon ay iisang probinsya dati na tinawag na Zamboanga.
Hilagang Mindanao (Rehiyon X) ay binubuo ng mga probinsya ng Bukidnon, Camiguin, Lanao del Norte, Misamis Occidental, at Misamis Oriental. Ang lalawigan ng Camiguin ay isa ring pulo sa may hilagang baybayin. Ang sentrong administratibo ng rehiyon ay Cagayan de Oro.
Davao (Rehiyon XI), dating Timog Mindanao, ay matatagpuan sa timog-silangang bahagi ng Mindanao. Ang rehiyon ay nahahati sa mga lalawigan ng Davao Oriental, Davao, Davao del Sur, at Lambak Compostela; kasama pati ang Lungsod ng Davao. Ang Golpo ng Davao ay nasa timog at ang isla ng Samal sa golpo ay kabilang din sa rehiyon, pati ang Mga Isla ng Sarangani. Ang Lungsod ng Davao ang sentrong administratibo.
SOCCSKSARGEN (Rehiyon XII), dating Gitnang Mindanao, ay matatagpuan sa timog-gitnang bahagi ng isla. Binubuo ito ng mga probinsya ng Cotabato, Sarangani, Timog Cotabato, at Sultan Kudarat, kasama ang Lungsod ng Cotabato. Ang pangalan ng rehiyon ay isang acronym ng mga pangalan ng mga probinsya nito kasama ang Lungsod General Santos. Ang Lungsod ng Cotabato, na matatagpuan sa loob ng lalawigan ng Maguindanao ngunit hindi kabilang sa nasabing probinsya, ay ang sentro administratibo ng rehiyon.
Caraga (Rehiyon XII) ay matatagpuan sa hilaga-kanlurang parte ng Mindanao. Ang kanyang mga probinsya ay Agusan del Norte, Agusan del Sur, Surigao del Norte, at Surigao del Sur. Ang sentro administratibo ay ang Lungsod ng Butuan sa Agusan del Norte. Kabilang sa rehiyong ito ang mga nakaratag na isla ng Surigao del Norte tulad ng Isla ng Dinagat, Isla ng Siargao, at Bucas Grande.
Ang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ay isang espesyal na rehiyon na kinabibilangan ng mga teritoryo kung saan ang mayoriya ng populasyon ay moro. Kasama dito ang halos buong Kapuluang Sulu (ang Syudad ng Isabela ng Basilan ay bahagi ng rehiyong Peninsula ng Zamboanga) at dalawang probinsya sa isla ng Mindanao. Ang mga lalawigang bumubuo sa Kapuluang Sulu ay Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi. Ang Basilan at Tawi-Tawi ang mga pangunahing isla ng kanilang mga lalawigan, Isla ng Jolo naman ang sa Sulu. Ang mga probinsya sa mismong isla ng Mindanao ay ang Lanao del Sur at Maguindanao. Ang sentro administratibo ng rehiyon ay ang Lungsod ng Cotabato, na hindi parte ng ARMM.
Silipin din Mga Rehiyon ng Pilipinas, Mga Lalawigan ng Pilipinas, Luzon, at Visayas.