Joseph Estrada
Mula sa Tagalog Wikipedia, ang malayang ensiklopedya.
Si Jose Marcelo Ejercito (ipinanganak Abril 19, 1937), kilala bilang Erap, ang ikasiyam na pangulo ng Republika ng Pilipinas o ika-13 simula noong Unang Republika.
Isinilang siya noong Abril 19, 1937, Filipinong Aktor at Direktor ng Pelikula, kinalaunan Bise Presidente (1992-1998), at Presidente (1998-2001) ng Republika ng Pilipinas. Isinilang sa Maynila, ang punong-lungsod ng Pilipinas, si Estrada ay huminto sa pag-aaral sa kolehiyo upang tahakin ang landas ng pelikulang Pilipino sa murang edad na 21. Nakagawa siya ng mga humigit kumulang na 120 pelikula, karamihan sa mga ito'y nasa uri o genre na action-comedy kung saan sya'y naging bida na ginaganapan ang mga papel ng mga taong nasa mahirap at mababang antas ng lipunan. Napagwagian niya ang ilan sa pinakamataas na Gantimpala at Gawad sa Pag-arte at pagiging Direktor ng Pelikula.
Mga nilalaman |
[baguhin] Mga Pelikula ni Erap
|
|
|
[baguhin] Ang Daan sa Pagkapangulo
Pinasok ni Estrada ang larangan ng politika noong 1967 nang mahalal siya bilang Alkalde ng San Juan, isang munisipalidad ng Kalakhang Lungsod ng Maynila. Noong 1971, pinarangalan siya bilang "Outstanding Mayor and Foremost Nationalist" ng Inter-Provincial Information Service at ng sumunod na taon bilang "Most Outstanding Metro Manila Mayor" ng Philippines Princetone Poll. Ginugol niya ang panahon sa paglaban sa kriminalidad at paglilingkod bilang punong bayan sa loob ng 19 taon.
Kabilang siya sa mga alkalde na sapilitang inalis sa poder ng kapangyarihan ng "Revolutionary Government" na itinatag ni Corazon C. Aquino na siyang humalili sa Pangulong Ferdinand E. Marcos na napatalsik noong February 25, 1986 sa pamamagitan ng People Power Revolution. Hindi nagsayang ng panahon ang pamahalaang Aquino sa pagbalangkas, sa pamamagitan ng Constitutional Convention, ng bagong Saligang Batas na naitatag pagkatapos itong sang-ayunan sa pamamagitan ng isang pambansang plebesito. Ang bagong Saligang Batas na ito ang siyang nagbigay daan sa pambansang halalan ng 1987.
Tumakbo si Estrada sa ilalim ng partidong Grand Alliance for Democracy at matagumpay na nahalal sa Senado ng Pilipinas (Ika-walong Kongreso). Nahirang siya bilang Chairman of the committees on Cultural, Rural Development, and Public Works. Siya rin ay naging Vice Chairman of the Committees on Health, Natural Resources and Urban Planning. Kabilang sa mga panukalang batas na isinulong nya ay yaong ukol sa agrikultura, mga proyektong irigasyon sa pagsasaka at pagpapalawig at pag-protekta sa kalabaw. Noong 1989, tinanghal siya ng Philippine Free Press bilang isa sa “Three Outstanding Senators of the Year”.
Si Estrada ay isa sa mga senador na tumangging sangayunan ang bagong Tratado ng US Military Bases na papalit sana sa 1947 Military Bases Agreement na nakatakdang magwakas noong 1992. Ang kaniyang popularidad bilang aktor ay nakatulong ng malaki sa pagkakapanalo niya bilang Bise Presidente noong halalan ng Panguluhan at Pangalawang Panguluhan noong 1992, bagama't siya'y tumatakbo sa hiwalay na tiket ng noon ay nanalong Presidente, Fidel Ramos. Bilang Bise-Presidente, pinamahalaan ni Estrada ang Komisyon Laban sa Krimen (Presidential Anti Crime Commission) mula 1992 hanggang 1997.
[baguhin] Erap Bilang Pangulo
Noong 1998 nanalo si Estrada sa Halalang Pangpanguluhan sa ilalim ng partidong Laban ng Makabayang Masang Pilipino (LAMMP). Nakakuha siya ng 10,956,610 boto o 39.6% ng lahat ng boto. Naging malinaw sa kaniyang kampanya na kapakanan ng mahihirap na sumasakatawan sa karamihan ng mamamayang Pilipino ang pagbubuhusan niya ng pansin sakaling ihalal siya bilang Pangulo ng Pilipinas. Ang kaniyang islogan ay "Erap Para sa Mahirap". Kung tutuusin, hindi naman buhat sa mahirap na pamilya si Estrada. Nakapag-aral pa nga siya sa Ateneo de Manila High School at sa Mapua Institute of Technology. Isa siyang tanyag na aktor at masasabing sa propesyong ito niya nakamit ang tagumpay at yaman. Ngunit pinili niyang ipakita ang kaniyang sarili bilang isang pinunong tunay na maka-masa. Sa kaniyang kampanya, matagumpay niyang nakuha ang tiwala at imahinasyon ng masang Pilipino.
Noong October 2000 sa isang malaking pagsasabwatan na kinabibilangan ng mga militar, ilang mga dati at kasalukuyang nanunungkulang mga politiko, ilang mga alagad ng simbahan, kabilang si Fidel Ramos at si Gloria Arroyo ay ipinilit sa mababang Kapulungan ng Kongreso na maimpeach si Estrada noong Nobyembre 2000. Ang pagdinig sa Senado ay nahinto sa kalagitnaan ng Enero 2001 bilang simula ng isang malaking Kasinungalingan na ipinalunok sa Sambayang Pilipino - ang diumano'y pagbibitiw ni Estrada sa kaniyang tungkulin bilang Pangulo ng Republika ng Pilipinas na katawatawang tinawag sa wikang ingles na constructive resignation. Sa pamamagitan nito'y ibinaraso ang pagtanggal sa tungkulin bilang Presidente kay Estrada noong ika-20 ng Enero 2001. Noong araw na yaon, isa sa pinakanakakahiyang araw sa Talaan ng Kasaysayan ng Pilipinas, Ang Kataastaasang Hukuman ay idineklarang bakante ang luklukan ng Panguluhan ng Republika ng Pilipinas na nagbigay daan sa pagkakatanggal sa tungkulin ni Estrada bilang Presidente, kasabay nito si Bise Presidente Gloria Macapagal-Arroyo ay nanumpa bilang Presidente o ayon sa sariling termino na ginamit niya sa mismong araw ng panunumpa, acting president.
Kinasuhan si Estrada ng bagong pamahalaan ng pandarambong at pina-aresto kasama nang kanyang anak na si Jinggoy noong Abril 25, 2001. Ipiniit sila pansamantala sa Kampo Crame, ang punong tanggapan ng Kapulisan ng Pilipinas. Umalma ang kaniyang mga taga-suporta at agad nagtipon-tipon sa makasaysayang EDSA Shrine upang iprotesta ang pagkakapiit kay Estrada na tinuturing nilang nananatiling tunay na pangulo. Maririnig ang mga sigaw na "Sigaw ng Mahihirap, Ibalik si Erap!" at "EDSA Tres! EDSA Tres!" Pagkatapos ng ilang araw na pagkubkob sa EDSA Shrine at walang-patid na pagtuligsa sa pamahalaan ni Gloria Macapagal-Arroyo, nagsimulang mag-martsa ang mga nagtipon sa EDSA Shrine patungong Palasyo ng Malakanyang noong madaling-araw ng Mayo 1, 2001. Ilang oras pa at umigting na ang tensyon sa paligid ng Palasyo ng Malakanyang nang magtangkang pumasok ang libu-libong mga taga-suporta ni Estrada. Nauwi sa karahasan ang lahat nang magsagupaan ang mga tagasuporta ni Estrada at mga pulis. Nasaksihan ng marami ang marahas na pangyayari sa telebisyon: ang mga taong sugatan na hinahataw ng mga pulis ng mga batuta at rattan at mga sasakyan na pinagsusunog ng mga galit na galit na mga tagasuporta ni Estrada. Dahil sa kaguluhan, ibinaba ang "State of Rebellion" noong araw ding iyon.
[baguhin] Pagkakakinlalan
Ipinanganak siya sa Tondo at ama niya si inhinyero Emilio Ejercito na pumanaw na at si Maria Marcelo naman ang kaniyang ina.
Mga Pangulo ng Pilipinas Aguinaldo | Quezon | Osmeña | Laurel | Roxas | Quirino | Magsaysay | Garcia | Macapagal | Marcos | Aquino | Ramos | Estrada | Arroyo |
![]() |
Categories: Lahat ng artikulong nangangailangan ng pag-wikify | Wikify (Marso 2007) | Mga artikulong kinukwestiyon ang neutralidad (Marso 2007) | Lahat ng artikulong kinukwestiyon ang neutralidad | Mga artista mula sa Pilipinas | Mga politiko | Pangulo ng Pilipinas | Taong-bayan ng Pilipinas | Mga Tagalog