Katipunan
Mula sa Tagalog Wikipedia, ang malayang ensiklopedya.
Ang Kataastaang Kagalanggalangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan (mas kilala bilang Katipunan at KKK) ay isang lihim na samahan na itinatag sa Pilipinas ni Andres Bonifacio may layuning palayain ang bansa sa ilalim na ng mga mananakop na Espanyol.
Naitatag ang Katipunan matapos mahuli ang mga pangunahing miyembro ng La Liga Filipina, na itinatag ni Dr. Jose Rizal na kung saan miyembro rin si Bonifacio. Ang La Liga, binubuo ng mga middle class na intelektual, ay nagtataguyod ng mapayapang reporma. Ang paghahadlang ng rehimeng Espanyol sa La Liga ang nagpatunay kay Bonifacio na walang saysay ang mapayapang reporma sa ilalim ng pamamahala ng Espanyol.
Ang armadong pakikibaka ng Katipunan ay nagsimula noong Agosto 1896, pagkatapos natuklasan ng mga awtoridad ang Katipunan. Sinisi ng mga Espanyol si Rizal, na itinuturing ng Katipunan bilang pangulong pandangal, sa paghihimagsik at hinatulan ng kamatayan sa pamamagitan ng pagbaril noong Disyembre 30, 1896. Ang pagiging martir ni Rizal, gayon pa man, ang nagdagdag alab sa rebelyon, at sinisigaw ng mga Katipunero ang Mabuhay Dr. Jose Rizal sa pakikidigma.