Pamantasan ng Lungsod ng Maynila
Mula sa Tagalog Wikipedia, ang malayang ensiklopedya.
![]() |
|
Motto | Karunungan, Kaunlaran, Kadakilaan |
Pagkatatag | 1965 |
Uri | Pampubliko |
Pangulo | Dr. Benjamin G. Tayabas |
Lokasyon | Lungsod ng Maynila, Kalakhang Maynila, Pilipinas |
Laki ng Paaralan | 28,000 m² (pangunahing kampus) |
Dami ng Nag-aaral | 10,000
(pangunahing kampus) undergraduate, |
Guro | |
Mascot | |
Hymn | Pamantasang Mahal |
Homepage | www.plm.edu.ph |
Ang Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (Maikling katawagan: PLM; Ingles: University of the City of Manila; O, mas kilala sa bansag na Pamantasan) ay isang pampublikong pamantasan na pinatatakbo ng Pamahalaang lungsod ng Maynila. Ito ang itinuturing na pinakamalaking pamantasan na pinatatakbo ng lokal na pamahalaan sa buong Pilipinas at ang pinakaunang pamantasan na gumamit ng opisyal na pangalan sa Wikang Filipino.
Ayon sa Commission on Higher Education (CHEd) ng Pilipinas, matatawag na Centers of Excellence ang marami sa programa at departamento sa PLM. Itinuturing din ng naturang Komisyon ang PLM bilang huwaran ng lahat ng mga institusyong pang-edukasyon na pinatatakbo ng lokal na pamahalaan sa bansa.
Sa pananaw at pagtatala ng Professional Regulation Commission (PRC), ang PLM ay kabilang sa limang nangugunang pamantasan sa Pilipinas sa larangan ng pagsusulit na ibinibigay ng Lupon. Isa lamang ang PLM sa tatlong pampublikong pamantasan na napabilang sa talaan ng nangungunang sampung pamantasan sa parehong kategorya. Ang PLM ay siya ring pinakabatang pamantasan na napabilang sa nasabing listahan ng mga namamayagpag na pamantasan sa bansa.
Kamakailan, nabanggit mismo ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang pagkakaroon ng culture of excellence ng PLM, at ang pamamayagpag nito sa iba't ibang larangan.
Ang mga nagsipagtapos sa PLM ay kilala sa tawag na PLMayers.
[baguhin] Kasaysayan
Ang kinalalagyan ng PLM Main Campus ay ang dating kinatitirikan ng Colegio Maximo de San Ignacio (kilala rin sa tawag na Colegio de Manila) na siyang itinatag noong 1590 ni Fr. Antonio Sedeño, S.J. Pormal na binuksan ang Colegio Maximo de San Ignacio noong 1595, at ito ang siyang pinakaunang paaralan sa Pilipinas. (Paalala: Ang mga institusyong ito ay hindi ang PLM sa kasalukuyan).
Mga Pangulo ng PLM |
Dr. Benito F. Reyes, 1967-1972 |
Dr. Consuelo S. Blanco, 1972-1978 |
Dr. Ramon D. Bagatsing, 1978-1982 |
Dr. Jose D. Villanueva, 1983-1989 |
Dr. Benjamin G. Tayabas, 1989-1995; 1999-kasalukuyan |
Dr. Versailey dela Cruz, 1995-1999 |
Maliban sa kolehiyo, may iba pang estruktura ang itinatag sa lugar. Ang Iglesia de Santa Ana, ang kauna-unahang simbahang bato sa Pilipinas, ay itinayo rito noong 1590 at nagbukas noong 1596. Subalit ito ay nasira ng lindol, at isa pang simbahan ang itinayo para kay San Ignacio de Loyola (St. Ignatius of Loyola) noong 1626.
Noong 1601, ang Colegio de San José ay itinatag bilang karugtong ng Colegio Maximo de San Ignacio. Makalipas ang dalawampung taon, binigyang-permiso ni Papa Gregoryo XV, sa pamamagitan ng Arsobispo ng Maynila, ang Colegio Maximo de San Ignacio na gumawad ng mga kursong teolohiya at sining, at itinaas ito bilang unibersidad. Noong 1623, kinumpirma ni Haring Felipe IV ng Espanya ang otorisasyon na nagtatalaga sa paaralan bilang pontifical at royal university. Dahil dito, itinuturing na ang Universidad de Maximo San Ignacio ang pinakaunang unibersidad sa Pilipinas at sa kalupaang Asya. Noong 1722, iginawad sa Colegio de San José ang karangalang matawag na royal patronage.
Noong 1768, isinuko ng mga Heswita ang Universidad Maximo de San Ignacio sa Pamahalaang Kastila matapos ang pagpapatalsik sa kanila sa mga nasasakupan ng Espanya. Inilagay sa sekular na pamamahala ang Universidad Maximo de San Ignacio at ito ay ginawang seminaryo at kolehiyo ng liberal na sining. Noong 1773, itinalaga ni Papa Clemente XIV ang pagkakabuwag Society of Jesus, organisasyon ng mga Heswita. Noong 1895, pinag-isa ang Universidad Maximo de San Ignacio sa Faculty of Medicine and Pharmacy ng University of Santo Tomas. Ang Colegio de San José naman ay ang San José Major Seminary na pinamamahalaan ngayon ng Ateneo de Manila University.
Ang mga gusali ng Universidad Maximo de San Ignacio ay ginawang pugad ng mga militar na tinawag na Cuartel del Rey hanggang sa ito ay ginawang Cuartel de España. Dito sa lugar na ito nilitis si José Rizal sa kasong sedisyon noong Disyembre 26, 1896. Noong panahon ng mga Amerikano, ang mga gusali ay ginawang kampo ng Ika-31 Pulutong ng mga Sundalo ng Estados Unidos hanggang 1941. Nawasak ang mga gusaling ito noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Noong Hunyo 19, 1965, itinatag ang PLM sa pamamagitan ng Batas Kongreso Blg. 8349, na nang lumao'y naging Batas Pambansa Blg. 4196 (ngayon ay "University Charter"), na pinirmahan ng dating Pangulong Diosdado Macapagal. Nagbukas ang PLM noong Hulyo 17, 1967 sa 556 estudyante na nabibilang sa unang sampung bahagdan ng mga nagsipagtapos sa tatlumpu't isang (31) pampublikong eskuwelahang sekundarya ng Maynila.
Itinaguyod ni Senador Francis N. Pangilinan, noong Enero 15, 2002, ang Batas Senado Blg. 1967 o ang batas na nagaamyenda sa ilang probisyon ng Batas Republika Blg. 4196, na kasalukuyan pa ring nasa proceso upang maging ganap na batas. Ang batas na ito ay naglalayong magtalaga ng isang estudyante na kakatawan sa Lupon ng mga Administrador ng PLM at siya ring hakbang ubang lalong pag-ibayuhin ang partisipasyon ng mga kabataan sa pagpapalakas ng bansa.