Aklat ng Henesis
Mula sa Tagalog Wikipedia, ang malayang ensiklopedya.
Ang artikulong ito ay isa sa mga pahinang nangangailangan ng atensyon. Mangyaring ito ay ituwid sa paraang nararapat. |
Henesis (Griyego: Γένεσις, na ang kahulugan ay "pagkasilang", "paglikha", "sanhi", "simula", "pinaghanguan" at "ugat"/"pinagmulan") ay ang unang aklat ng Torah, unang aklat ng Tanakh at siya ring unang aklat ng Kristyanong Lumang Tipan. Sapagkat pinaniniwalaan sa tradisyong Hudyo na ang aklat na ito'y sinulat ni Moises, kung minsa'y tinatawag din itong Unang Aklat ni Moises. Isang laganap na pananaw sa mga mananampalatayang Abrahamiko ay ang paniniwalang ang naturang aklat ay inspirado ng Banal (isinulat mismo ng Diyos sa pamamagitan ng mga tao), kung kaya'y ito'y pinaniniwalaang tiyak na katotohanan at walang pagkakamali.
Sa Ebreo, ito'y tinatawag na בראשית (B'reshit o Bərêšîth), ayon sa unang salita ng tekstong Ebreo (na nangangahulugang "sa simula"). Sa ganito ring kaparaanan pinangalanan ang ibang apat na aklat na bumubuo sa Pentateuko.
[baguhin] Pambungad
Nagsisimula ang Henesis sa isang paglalarawan ng paglkha ng Diyos sa mundo, kay Adan at Eba, at ang kanilang pagdidistiyero sa Hardin ng Eden, ang kuwento ni Kain at Abel, at ang kuwento ni Noe at ang dakilang dilubyo.
Nagsisimula ang kapitulo labindalawa sa pagtawag kay Abram (na kapagkaraa'y tatawaging Abraham) at ang kanyang baog na asawang si Sarai (na tatawagin namang Sarah) mula sa Ur (sa Babylonia) patungong Kanaan (Palestina). Nilalaman nito ang pagtanggap ng Diyos kay Abraham, at ang pangako ng Diyos kay Abraham na sa pamamagitan ng kanyang binhi'y mababasbasan ang lahat ng tao sa mundo (22:3). Nakatala rin sa aklat na ito ang mga gawain ng kanyang anak na si Isaak, at ang mga apo niyang sina Esau at Jacob (na kinilalang Israel), at pati na rin ang kanilang mga pamilya. Nagwawakas ito sa kanyang mga inapo, ang mga Israelita, na nanirahan sa Ehipto, ayon sa kagustuhan ng Paraon.
Nilalaman ng Henesis ang sinasapantahang kasaysayan at batayan ng mga pambansang relihiyosong kaisipan at mga institusyon ng Israel, at nagsisilbing pambungad sa mga kasaysayan, batas, at kaugalian nito. Ito'y akda ng isa, o lupon ng mga manunulat na nagsasalaysay sa mga tradisyon ng mga Isrealita, at ipinagkumpol-kumpol ito sa isang obrang may magkakatulad na layunin, habang ipinapanatili ang mga pagkakaibang tekstuwal at pormal na bunga ng mga pagkakaiba sa mga pinaghanguan at uri ng paglalahad.