Noli Me Tangere
Mula sa Tagalog Wikipedia, ang malayang ensiklopedya.
Ang Noli Me Tangere ay isang nobelang isinulat ni Jose Rizal, at inilathala noong 1887, sa Europa. Hango sa Latin ang pamagat nito at "huwag mo akong salingin" ang ibig sabihin nito. Kinuha ito ni Rizal sa ebanghelyo ni Juan: 20: 13-17 sa Bibliya na tumutukoy kung paano pinagsusuot ng mga patalastas ang mga may ketong upang lubayan sila ng mga nakakasalubong nila. Mas itong madalas tawaging Noli; ang salin sa Ingles nito ay Social Cancer.
Unang nobela ni Rizal ang Noli Me Tangere. Inilathala ito noong 26 taong gulang siya. Makasaysayan ang aklat na ito at naging instrumento upang makabuo ang mga Pilipino ng pambansang pagkakakilanlan. Sa di-tuwirang paraan, nakaimpluwensiya ang aklat ni Rizal sa rebolusyon subalit si Rizal mismo ay isang nananalig sa isang mapayapang pagkilos at isang tuwirang representasyon sa pamahalaang Kastila. Sinulat sa wikang Kastila ang Noli, ang wika ng mga edukado noong panahong yaon.
Sinimulan ni Rizal ang nobela sa Madrid, Espanya. Kalahati nito ay natapos bago siya umalis ng Paris, at natapos ito sa Berlin, Alemanya. Inilaan ni Vicente Blasco Ibáñez, isang bantog na manunulat, ang kaniyang serbisyo bilang tagapayo at tagabasa.
Bumuo ng kontrobersya ang nobelang ito kung kaya't pagkatapos lamang ng ilang araw na pagbalik ni Rizal sa Pilipinas, tinanggap ni Gobernador-Heneral Terrero sa Malacañang at inabisuhang puno ng subersibong ideya ang Noli. Pagkatapos ng usapan, ang napayapa ang liberal na Gobernador Heneral ngunit nabanggit niya na wala siyang magagawa sa kapangyarihan ng simbahan na gumawa ng kilos laban sa nobela ni Rizal. Mahihinuha ang persekusyon sa kaniya sa liham ni Rizal sa Leitmeritz: "Gumawa ng maraming ingay ang libro ko; kahit saan, tinatanong ako ukol rito. Gusto nila akong gawing excommunicado dahil doon . . . pinagbibintangan akong espiya ng mga Aleman, ahente ni Bismarck, sinasabi nila na Protestante ako, isang mason, isang salamangkero, isang abang kaluluwa. May mga bulong na gusto ko raw gumawa ng plano, na mayroon akong dayuhang pasaporte at gumagala ako sa kalye pagkagat ng dilim ... "
[baguhin] Kahalagahan
Ang nobelang ito at ang sumunod rito, ang El Filibusterismo (o El Fili), ay ipinagbawal sa Pilipinas dahil sa pagpapakita nito ng korapsyon at abuso ng pamahalaan at simbahang Espanya. Halimbawa nito ay si 'Padre Damaso' na sumasalamin sa pangangasawa ng Kastilang kaparian. Sa nobela, nabuntis ni Padre Dámaso ang isang babae. Ilang sipi ang nakapasok sa Pilipinas at nang umuwi si Rizal pagkatapos ng kaniyang pag-aaral ng medisina, nagkaroon siya kaagad ng sigalot sa lokal ng pamahalaan. Unang pinatapon sa Dapitan, inaresto siya sa asuntong rebelyon dahil sa kaniyang mga sulatin. Binaril siya sa Maynila noong 1896 sa edad na 35 taong gulang.
Naging susi ang katha niya na bumuo ng pagkakakilanlan ng mga Pilipino at isang pag-iisip taliwas sa nakaugaliang rehiyonismo. Ipinakita ng Noli ang iba't ibang elemento ng lipunang kolonyal.
[baguhin] BUOD NG NOLI ME TANGERE
[baguhin] MGA TAUHAN
[baguhin] I. Angkan ni Crisostomo Ibarra
- Crisostomo Ibarra - ang anak ni Don Rafael Ibarra na nag-aral sa Europa at kasintahan ni Maria Clara
- Don Rafael Ibarra - ang ama ni Crisostomo Ibarra na pinaratangang Erehe at Filibustero. Kaibigan ni Padre Damaso.
- Don Saturnino - ang lolo ni Crisostomo Ibarra
- Don Pedro Eibarramendia - ang ninuno ni Crisostomo Ibarra na naging sanhi ng pagkamatay ng lolo ni Elias
[baguhin] II. Angkan ni Maria Clara
- Maria Clara - ang kasintahan ni Crisostomo Ibarra na anak-anakan ni Kapitan Tiago
- Kapitan Tiago - bilang Don Santiago de los Santos na ama-amahan ni Maria Clara at mayaman at maimpluwensiya sa simbahan at gobyerno
- Doña Pia Alba - ang ina ni Maria Clara
- Tiya Isabel - ang tiyahin at nag-alaga kay Maria Clara at pinsan ni Kapitan Tiago
[baguhin] III. Mga Pari
- Padre Damaso Verdolagas - isang paring Franciscano na tunay na ama ni Maria Clara
- Padre Bernardo Salvi - kura sa San Diego na pumalit kay Padre Damaso at malapit ang kanyang kalooban kay Maria Clara
- Padre Hernando de la Sibyla - kura ng Tanawan, Batangas
- Padre Manuel Martin - isang paring Agustino mahusay magsalita
[baguhin] IV. Mga Mag-asawa
- Doña Victorina de los Reyes de Espadaña - asawa ni Don Tiburcio de Espadaña na nagpapanggap na Kastila at laging kagalitan ni Doña Consolacion
- Don Tiburcio de Espadaña - pilay na Kastilang asawa ni Doña Victorina na nagkukunwaring doktor
- Doña Consolacion - tinaguriang "Paraluman ng mga Gwardiya Sibil" na asawa ng alperes at kaaway ni Doña Victorina
- Alperes/Komandante - asawa ni Doña Consolacion na isa sa makapangyarihan sa San Diego
[baguhin] V. Pamilya ni Sisa
- Sisa - ang ina nina Basilio at Crispin na nabaliw at asawa ni Pedro
- Pedro - masamang asawa ni Sisa at iresponsableng ama sa kanyang mga anak
- Basilio - panganay na anak ni Sisa
- Crispin - bunsong anak ni Sisa na sinaktan ng Sakristan Mayor at pinagbintangang magnanakaw
[baguhin] VI. Elias
- Elias - nagligtas kay Crisostomo na anak ng angkang kaaway ng mga ninuno ng mga Ibarra
- Balat - tiyo ni Elias, pinugutan ng ulo dahil sa pagiging tulisan
[baguhin] VII. Don Anastacio
- Don Anastacio - mas kilala bilang Pilosopong Tasyo at Tandang Tasyo na isang pantas sa mga may pinag-aralan ngunit baliw para sa mga taong walang pinag-aralan ayon sa noli me tangere.
[baguhin] VIII. Don Filipo Lino
- Don Filipo Lino - ama ni Sinang at tenyente mayor
[baguhin] IX. Nol Juan
- Nol Juan - namahala sa pagpapatayo ng paaralan
[baguhin] X. Lucas
- Lucas - kapatid ng taong madilaw na nagtangkang patayin si Crisostomo Ibarra
[baguhin] XI. Alfonso Linares
- Alfonso Linares - pamangkin ni Don Tiburcio na umibig kay Maria Clara at napili ni Padre Damaso para kay Maria Clara
[baguhin] XII. Kapitan Basilio
- Kapitan Basilio - isang kapitan ng San Diego
[baguhin] XIII. Tarsilo at Bruno
- Tarsilo at Bruno - Magkapatid na sumama sa pag-aalsa na pakana ni Padre Salvi
[baguhin] XIV. Inday, Sinang, Andeng, at Victoria
- Inday, Sinang, Andeng, at Victoria - mga kaibigan ni Maria Clara na kasama niyang maligo sa batis
[baguhin] XV. Mga Manang
- Hermana Pute
- Hermana Rufa
- Kapitana Maria
- Kapitana Dorya
- Kapitana Tinchang
[baguhin] BUOD NG NOLI ME TANGERE
Si Juan Crisostomo Ibarra ay isang binatang Pilipino na pinag-aral ng kanyang ama sa Europa. Pagkatapos ng pitong taong pamamalagi roon ay nagbalik ito sa Pilipinas. Dahil sa kanyang pagdating ay naghandog si Kapitan Tiyago ng isang salo-salo kung saan ito ay dinaluhan nina Padre Damaso, Padre Sibyla, Tinyente Guevarra, Donya Victorina at ilang matataas na tao sa lipunan. Sa hapunang iyon ay hiniya ni Padre Damaso na siyang dating kura ng San Diego, ang binata ngunit ito’y hindi na lamang niya pinansin at magalang na nagpaalam at nagdahilang may mahalagang lalakarin.
Si Ibarra ay kasintahan ni Maria Clara, isang napakangandang binibini at larawan ng dalagang Pilipina. Siya kilala bilang anak-anakan ni Kapitan Tiyago, isang mayamang taga-Binundok. Ang binata ay dumalaw sa dalaga kinabukasan at sa kanilang pag-uulayaw ay di nakaligtaang gunitain ang kanilang pagmamahalan simula pa sa kanilang pagkabata. Di nakaligtaang basahing muli ni Maria Clara ang mga liham ng binata sa kanya bago pa man ito mag-aral sa Europa.
Bago tumungo si Ibarra sa San Diego ay ipinagtapat sa kanya ni Tinyente Guevarra ng Guardia Sibil ang tungkol sa pagkamatay nga kanyang amang si Don Rafael, ang mayamang asendero sa bayang yaon.
Ayon sa Tinyente, si Don Rafael ay pinaratangan ni Padre Damaso, na Erehe at Pilibustero, gawa ng di nito pagsisimba at pangungumpisal. Nadagdagan pa ng isang pangyayari ang paratang na ito. Minsan ay may isang maniningil ng buwis na nakaaway ng isang batang mag-aaral, nakita ito ni Don Rafael at tinulungan ang bata, nagalit ang kubrador at sila ang nagpanlaban, sa kasamaang palad ay tumama ang ulo ng kastila sa isang bato na kanyang ikinamatay. Ibinintang ang pagkamatay na ito ng kubrador kay Don Rafael, pinag-usig siya, nagsulputan ang kanyang mga lihim na kaaway at nagharap ng iba-ibang sakdal. Siya ay nabilanggo at ng malapit nang malutas ang usapin ay nagkasakit ang matanda at namatay sa bilangguan. Di pa rin nasiyahan si Padre Damaso sa pangyayaring iyon. Inutusan niya ng tagapaglibing na hukayin ang bangkay ni Don Rafael sa kinalilibingan nitong sementeryo para sa katoliko at ibaon sa libingan ng mga Intsik at dahil umuulan noon at sa kabigatan ng bangkay ay ipinasya ng tagapaglibing na itapon na lamang ito sa lawa.
Hindi binalak ni Ibarra ang maghiganti sa ginawang kabuktutang ito ni Padre Damaso at sa halip ay ipinagpatuloy ang balak ng kanyang ama na magpatayo ng paaralan.
Sa pagdiriwang ng paglalagay ng unang bato ng paaralan ay kamuntik nang mapatay si Ibarra kung hindi siya nailigtas ni Elias. Sa paglagpak ng bato habang ito’y inihuhugos ay hindi si Ibarra ang nasawi kundi ang taong binayaran ng lihim na kaaway ng binata.
Sa pananghaliang inihandog ni Ibarra pagkatapos ng pagbabasbas ay muling pinasaringan ni Padre Damaso ang binata, hindi na lamang niya sana ito papansinin subalit nang hamakin ang alaala ng kanyang ama ay hindi na siya nakapagpigil at tinangkang saksakin ang pari, salamat na lamang at napigilan ito ni Maria Clara.
Dahil sa pangyayaring ito ay itiniwalag o ineskomonyon si Ibarra ng Arsobispo ng simbahang Katoliko Romano. Sinamantala ito ni Padre Damaso upang utusan si Kapitan Tiyago na sirain ang kasunduan sa pagpapakasal nina Ibarra at Maria Clara. Nais ng pari na ang mapangasawa ng dalaga ay si Linares na isang binatang kastila na bagong dating sa Pilipinas.
Dahil sa pagkasindak sa gumuhong bato noong araw ng pagdiriwang si Maria Clara’y nagkasakit at naglubha. Dahil sa ipinadalang gamot ni Ibarra na siya namang ipinainom ni Sinang gumaling agad ang dalaga.
Sa tulong ng Kapitan Heneral ay napawalang-bisa ang pagkakaeskomulgado ni Ibarra at ipinasya ng arsobispo na muli siyang tanggapin sa simbahang Katoliko. Ngunit, nagkataon noong sinalakay ng mga taong pinag-uusig ang kwartel ng sibil at ang napagbintangang may kagagawan ay si Ibarra kaya siya ay dinakip at ibinilanggo. Wala talagang kinalaman dito ang binata sapagkat nang kausapin siya ni Elias upang pamunuan ang mga pinag-uusig ay tahasan siyang tumanggi at sinabing kailanman ay hindi siya maaring mamuno sa mga taong kumakatawan sa bayan.
Napawalang-bisa ang bintang kay Ibarra sapagkat sa paglilitis na ginawa ay walang sino mang makapagsabi na siya’y kasabwat sa kaguluhang naganap. Subalit ang sulat niya kay Maria Clara na napasakamay ng hukuman ang siyang ginawang sangkapan upang siya’y mapahamak.
Nagkaroon ng handaan sa bahay nina Kapitan Tiyago upang ipahayag ang kasunduan sa pagpapakasal ni Maria Clara kay Linares at samantalang nagaganap ito ay nakatakas ni Ibarra sa bilangguan sa tulong ni Elias.
Bago tuluyang tumakas ay nagkaroong ng pagkakataon si Ibarrang magkausap sila ng lihim ni Maria Clara,. Anya’y ipinagkaloob na niya rito ang kalayaan at sana’y lumigaya siya at matahimik na ang kalooban. Ipinaliwanag ni Maria Clara na ang liham na kanyang iniingatan at siyang ginamit sa hukuman ay nakuha sa kanya sa pamamagitan ng pagbabanta t pananakot. Ippinalit sa mga liham na ito ang dalawang liham na isinulat ng kanyang ina bago siya ipanganak na nakuha ni Padre Salvi sa kumbento at dito nasasaad na ang tunay niyang ama ay si Padre Damaso.
Sinabi niya kay Ibarra na kaya siya pakakasal kay Linares ay upang ipagtanggol ang karangalan ng kanyang ina subalit ang pag-iibig niya saa binata ay di magbabago kailanman.
Samantala, tumakas na si Ibarra sa tulong ni Elias. Sumakay sila ng bangka, pinahiga si Ibarra at tinabunan ng damo at pagkatapos ay tinunton ang ilog Pasig hanggang makarating sa Lawa ng Bay. Ngunit naabutan sila ng mga tumutugis sa kanila. Inisip ni Elias na iligaw ang mga ito kaya naisipan niyang lumundag sa tubig kung saan inakalang si Ibarra ang tumalon kaya hinabol at pinaputukan siya ng mga sibil hanggang mahawi ang bakas ng pagkakalangoy at magkulay-dugo ang tubig.
Nakarating sa kaalaman ni Maria Clara na si Ibarra’y napatay ng mga Sibil sa kanyang pagtakas. Ang dalaga’y nalungkot at nawalan ng pag-asa kaya’t hiniling niya kay Padre Damaso na siya’y ipasok sa kumbento ng Santa Clara upang magmadre. Napilitang pumayag ang pare sapagkat tiyakang sinabi ng dalaga na siya’y magpapakamatay kapag hindi pinagmadre.
Noche Buena nang makarating si Elias sa maalamat na gubat ng mga Ibarra, sugatan at nanghihina na doon niya nakatagpo si Basilio at ina nitong wala nang buhay.
Bago siya nalagutan ng hininga ay sinabing, namatay siyang hindi nakikita ang pagbubukang-liwayway ng kanyang bayan at makakikita ay huwag sanang kalilimutan ang mga nangamatay dahil sa pagtatanggol sa bayan.
[baguhin] Ibang Sanggunian
- Obra Maestra III (Noli Me Tangere) nina Ms. Lourdes L. Miranda at Ms. Mercedes D.L. Tulaylay na inilathala at ipinamahagi ng Rex Book Store, Inc. (RBSI) - Unang Edisyon, 2002
- Noli me tangere (salin sa Ingles) sa Project Gutenberg
- Isa pang salin sa Ingles
- Rizal's Little Odyssey