Francisco Balagtas
Mula sa Tagalog Wikipedia, ang malayang ensiklopedya.
Si Francisco Balagtas (Abril 2, 1788—Pebrero 20, 1862), Francisco Baltazar ang kanyang tunay na pangalan, ay tinuturing bilang isa sa mga magagaling na Pilipinong manunula. Florante at Laura ang kanyang pinakakilalang obra maestra.[sabi-sabi]
Mga nilalaman |
[baguhin] Unang mga taon
Isinilang sa isang maliit na bayan na nayon ng Panginay, bayan na Bigaa (Balagtas ngayon), sa lalawigan ng Bulacan noong Abril 2, 1788. Bunso siya sa apat na anak nina Juan Baltazar, isang panday at Juana dela Cruz, isang maybahay. Sina Felipe, Concha at Nicholasa ang kanyang mga kapatid.
Labing-isang taon si Kiko (palayaw ni Francisco) nang iluwas sa Tondo, Maynila. Namasukan bilang utusan kay Donya Trinidad, isang mayaman at malayong kamag-anak. Kinatutuwaan siya ni Donya Trining dahil sa kasipagan at mabuting paglilingklod kaya pinag-aral siya sa Colegio de San Juan de Letran at Colegio de San Jose. Taong 1812 nang matapos siya sa pag-aaral ng Batas sa Canones, Gramatica Castilla, Gramatica Latin, Fisika, Doctrina Christiana, Humanidades, Teologia at Filosofia. Naging guro niya si PadreMariano Pilapil sa Filosopiya sa nasabing kolehiyo.
[baguhin] Buhay bilang manunulat
Natuto siyang sumulat at bumigkas ng tula kay Jose dela Cruz (Huseng Sisiw) na kinikilalang pinakabantog na makata sa Tondo. Si Jose dela Cruz ay isa ring nagsilbing hamon kay Kiko para higit na pagbutihin ang pagsulat ng tula. Anupa't kinalaunan ay higit na dinakila si Kiko sa larangan na panulaan.
Taong 1835 nang manirahan si Kiko sa Pandakan. Dito niya nakilala si Maria Asuncion Rivera. Ang marilag na dalaga ang nagsilbing inspirasyon sa makata. Siya ang tinawag na "Selya" at tinaguriang MAR ni Balagtas sa kanyang tulang Florante at Laura.
Naging karibal ni Kiko si Mariano Kapule sa pangingibig kay Maria Asuncion Rivera. Nagwagi si Nanong Capule dahil sa paggamit ng kapangyarihan at salapi. Naipakulong niya si Kiko at sa loob ng piitan niya naisulat ang tulang pasalaysay na Florante at Laura.
Ginamit niya ang kanyang sariling wika, Tagalog, sa isang panahon na karamihang nakasulat sa Kastila ang mga panitikan. Naniniwala ang ibang mga paaralang kaisipan na pinapakita ng kanyang mga tula ang mga walang katarungan na dinanas ng mga tao sa ilalim ng mga Kastilang mananakop.
Nang makalabas sa bilangguan, ipinalathala ni Balagtas ang Florante at Laura noong taong 1838. Nanilbihan siya bilang Tenyente Mayor at Huwes Mayor de Sementra. Lumipat si Balagtas sa Udyong, Bataan noong 1840. Nanilbihan siya bilang Tenyente Mayor at Huwes Mayor de Sementra. Dito rin niya nakilala si Juana Tiambeng na taga-Orion, Bataan.
Muling tumibok ang puso ni Kiko. Sa pagkakataong ito hindi naman siya nabigo. Nagpakasal sina Kiko at Juana noong 1842. Labing-isa ang naging anak nila, limang lalake at anim na babae Namatay ang pito kaya apat nalang ang natira.
[baguhin] Huling mga araw
Nabilanngong muli si Kiko sa sumbong ng katulong na babae ni Alfrez Lucas sa di umano'y pagputol ng buhok ng katulong. Nakalaya siya noong 1860.
Ipinagpatuloy niya ang pagsusulat ng mga komedya, awit at korido nang siya ay lumaya. Namayapa siya sa piling ng kanyang asawa at mga anak noong Pebrero 20, 1862 sa gulang na 74.
[baguhin] Tingnan din
- Panitikan sa Pilipinas