Wikang Italyano
Mula sa Tagalog Wikipedia, ang malayang ensiklopedya.
Ang wikang Italyano (o Italyan) ay kabilang sa malaking pamilya ng mga wikang kilala sa tawag na Indo-Europeo. Ito ay nabibilang sa sangay ng mga wikang Romanse, na nagmula sa Latin, na kinabibilangan ng Espanyol, Pranses, Portuges, Romanian, Galyego at Katalan. Ginagamit ang wikang ito sa Italya, ilang bahagi ng Swisa, at mga dating kolonya ng Italya. Ang Italiano ay may mga diyalektong tinatawag na Neo-Romanse, na matatagpuan sa ibat-ibang bahagi ng Italya. Ang modernong Italiano ang opisyal na wika, at basado sa Fiorentino at Toscano, mga wika na ginamit ng mga manunulat na sina Dante Alighieri, Francesco Petrarca, at Bocaccio, mga itinuturing na pambatong manunulat na Italiano. Noong Gitnang Panahon, ang Latin, ang wika ng mga Romano, ang malaganap na ginagamit sa Europa dahil sa sakop ng mga ito ang malaking bahagi ng Europa, kasama na ang ngayon ay Espanya, Pransya, Portugal, Romanya, England, Alemanya, at marami pang iba.
[baguhin] Kasaysayan
Masasabi na maraming pagkakatulad ang kasaysayan ng wikang Italyano at ng kasalukuyang pinagdadaanang proseso ng pagsasapantay o standardization ng wikang Filipino. Batayan ng parehong pambansang wika ang dyalektong/wikang may pinakamatatag na written literary tradition (Toskano sa Italyano, at Tagalog naman sa Filipino) at parehong napakabagal ang pagsulong ng pagsasapantay. Halos tumagal ng daan-daang taon ang proseso ng pagsasapantay ng Italyano.
Noong dating panahon, bago ang Imperyong Romano, ang wikang Etrusco ang kalat sa lugar na ngayon'y Italya. Ito'y sinasalita sa Toscana at Lazio. Subalit, sa paglawig ng Imperio, ito ay napalitan ng Latin, na siyang naging pangkalahatang wika (lingua franca) ng mga tao roon. Pagkatapos mawala at bumagsak ang Imperio Romano (476), dumating ang mga Ostrogodo at Langobardi, mga tribung Aleman (ika-5 at 6 daantaon). Ang kanila lamang naging implwensya sa wikang lokal ay sa paraan ng pagsulat.
Sa ngayon, maraming mga dialektong Italo-Romanse. Ang mga ito'y ang sumusunod na klasipikasyon: Dalawang malaking grupo, ang Romanse Occidental at Romanse Oriental.
Sa ilalim ng Occidental o settentrional:
- Gallo-italici - Piemontese (Torino); Lombardo Oriental at Occidental (Bergamo, Milano); Genovese (Genova); Emiliano/Romagnolo (Bologna, Parma)
- Venetto (Venezia, Padua,Verona, Trento, Trieste)
- Friulano
- Istrioto
Sa ilalim ng Oriental o meridional:
- Toscani-Toscano (Firenze, Sienna, Pisa, Lucca); Corso (Corsica)
- Centro-Romanesco (Roma); Viterbese (Viterbo); Umbro (Umbra); Marchigiano (Marche); Aquilano-cicolano
- Sud-Abrezzese (Pascara); Aquilano (L'Aquila); Campano (Napoli); Lucano (Luca); Pugliese (Puglia)
- Estremo sud-Salentino (Lecce); Calabrese (Calabria); Siciliano (Palermo)
Pansinin: Ang Pantesco, wikang siciliano na ginagamit sa Pantelleria, ay may malakas na impluwensya at halong wikang Arabe.
[baguhin] Ang wikang Italyano sa daigdig
Ang Italiano ay opisyal na wika sa Italia, San Marino, at Vaticano; sa Kroasia (parteng Istria), at sa Swisa (Kanton ng Titsino at Grigiani). Ito'y kalat sa Malta - kung saan ito'y sinasalita o nauunawaan ng marami - at sa Kroasia at Albania. Sa Eritrea, Etiopia, Somalia, at Libya-mga dating koloniya ng Italya- ito ay opisyal na wika mula noong 1963. May mga komunidad Italyana rin sa Estados Unidos, Latino-Amerika, Australia, Kanada, Pransya, Alemanya, at Belhika na binubuo ng mga lahing Italiano. Ito'y itinuturo at ginagamit ng kanilang mga anak, kaanak at mga sunod na saling-lahi. Ang Italiano ay gamit ng may 70 milyong tao, at siyang ika-3 sa pinakamaraming mag-aaral sa mundo. Kung isasama ang mga gumagamit nito bilang pang-2 wika sa iba pang lugar sa mundo, ang bilang ng gumagamit ay may 120 milyon. Ayon sa pag-aaral ng Kaisahang Europeo (EU), ang Italiano ay pangalawa sa pinakamalawak na wikang ginagamit sa loob ng kontinenteng Europa.