Budismo
Mula sa Tagalog Wikipedia, ang malayang ensiklopedya.
Ang Budismo (Sanskrit: Buddha Dharma, nangangahulugang: "ang landas o batas ng naliwanagan o ng gising") ay isang relihiyon at pilosopiya na nakatuon sa mga aral ni Buddha Śākyamuni (Siddhārtha Gautama), na marahil namuhay noong ika-5 siglo BCE. Kumalat ang Budismo sa buong lumang sub-kontinente ng Indya sa limang siglo pagkatapos ng pagkamatay ni Buddha, at naikalat sa Gitna, Timog-Silangan at Silangang Asya sa sumunod na dalawang milenyo. Ngayon, nahahati ang Budismo sa tatlong pangunahing tradisyon: Theravāda (Sanskrit: Sthaviravāda), Mahāyāna, at Vajrayāna (uri ng Budismo sa Tibet). Nagpatuloy ang Budismo na mang-akit ng mga tagasunod sa buong mundo, at, kasama ang mga 350 milyong tagasunod, tinuturing ito bilang isang pangunahing relihiyon sa mundo.